Nagkasundo ang Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping na igalang ang posisyon ng bawat isa kung paano itrato ang arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagkasundo rin naman ang dalawang lider na hindi dapat maging hadlang ang nagkakaiba nilang posisyon para ipagpatuloy ang diyalogo para sa mapayapang pagresolba sa isyu.
Sinabi ni Panelo na nagkakaisa sina Pangulong Duterte at President Xi na ang pagkakaibigan ng Pilipinas at China ay nakasandal sa ilandaang taon nang pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Una rito, nanindigan si President Xi sa posisyon nitong huwag kilalanin ang arbitral ruling na nagbabasura sa kanilang 9-dash line sa South China Sea nang igiit ito sa kanya ni Pangulong Duterte sa kanilang bilateral meeting.