Pinakakansela ng isang grupo ng mga kabataan sa Commission on Election (Comelec) ang registration ng Duterte Youth Partylist bilang isang sectoral party para sa mga kabataan.
Batay sa inihaing petisyon ng grupo, nilabag ng Duterte Youth Partylist ang ilang mga probisyon sa batas at Comelec rules.
Inapruhan anila ang registration ng partido nang walang publication of the petition at hindi dumaan sa kinakailang public hearing.
Maituturing din anilang batayan sa kanselasyon ng Duterte Youth Partylist ang kawalan nito ng intensyon na katawanin ang mga kabataan at pagsisinungaling sa eligibility ng kanilang nominee na si Ronald Cardema.
Inaakusahan din ng grupo ang partido na pinopondohan o tinutulungan ng pamahalaan na konektado sa National Youth Commission.
Inihain ang nasabing petisyon nina Reeya Beatrice Magtalas, Abigail Aleli Tan, Raainah Punzalan at Aunell Ross Angcos sa pamamagitan ng kanilang mga abogadong sina dating Comelec Chairman Sixto Brillantes At Election Lawyer Emil Marañon III.