E-Pray.
Ito ang tawag ng isang grupo ng mga pari sa naisip nilang itayong mala-call center na linya para patatagin ang pananalig sa Diyos sa gitna ng pandemya.
Sa pamamagitan ng E-Pray, tinatawagan ang volunteer priests ng mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients para sa kanilang spiritual healing.
Ayon kay Reverend Father Luciano Felloni, social communications director ng Diocese of Novaliches, ang E-Pray ay paraang gamit ang teknolohiya para maabot ng tao ang mga pari at sila sa mga COVID-19 patients dahil hindi naman pinapapasok ang mga pamilya sa wards, lalo na sa intensive care unit (ICU).
Nagbibigay aniya sila ng blessing o basbas sa mga pasyente lalo’t napansin nila na bukod sa virus ay takot ang kalaban ng mga nahawahan ng sakit.
Ipinabatid ni Felloni na tawag sa cellphone, Messenger app o video call ang serbisyong alay ng 65 volunteer priests.
Sinabi ni Felloni na maaaring kontakin ang kanilang grupo sa E-Pray, AlmuSalita at Diocese of Novaliches o kaya naman ay magtext sa 0995 041 7199 at ilagay ang pangalan ng pasyente at numero at Messenger account nito na tatawagan ng mga pari.