Umalma ang ilang electric scooter owners sa planong pagregulate sa kanila ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon sa ilang may-ari ng electric scooters, hindi pa napapanahong maghigpit sa kanila dahil sa nararanasang pandemya lalo na’t malaking tulong ang electric scooter bilang transportasyon.
Hindi anila sila susugal sa mga pampublikong transportasyon kung saan malaki ang tyansang magkahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Una nang inihayag ni LTO Chief Edgar Galvante na may binubuo silang administrative order kaugnay sa paggamit ng e-scooters at ito aniya ay naisumite na nila kay Transportation Secretary Arthur Tugade.
Nakasaad sa plano ang pagpaparehistro sa mga scooter at pagkakaroon ng lisensya ng mga gumagamit nito.
Batay sa datos ng Electric Kick Scooter Philippines, tumaas ng 110% ang bumili ng e-scooter sa bansa mula noong Mayo hanggang Hulyo kumpara noong nakalipas na taon.