Pinayagan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang muling pagbiyahe ng mga E-Trike o Electronically Operated Tricycle sa lungsod.
Ito ang ipinabatid ng Alkalde matapos ang kanyang pakikipagdiyalogo sa mga drivers ng E-Trike.
Gayunman, naglatag ng ilang mga probisyon si Moreno na kinakailangang sundin ng mga E-Trike Drivers na nakabatay sa rekomendasyon ng Office of the Legal City Officer.
Kabilang dito ang pagkuha muna ng prangkisa ng mga E-Trike Operators sa sangguniang panglungsod bago payagang bumiyahe at pasasailalim sa mga ito sa regulasyon ng pamahalaang lokal ng maynila kabilang ang pagtatakda ng ruta at pamasahe.
Gayundin mahigpit na pinaalalahanan ni Moreno ang mga E-Trike drivers na huwag bumiyahe sa mga pangunahing lansangan sa Maynila.
Nangako rin si Moreno na kanyang sisikaping maibaba sa 100 piso ang boundary ng mga E-Trike drivers mula sa kasalukuyang 150 piso.