Sinimulan na ng Department of Education o DepEd ang ‘early registration period’ sa mga pampublikong paaralan ngayong araw ng Sabado, Enero 27.
Ayon sa DepEd, layon nitong masigurong makapag-aaral ang mga bata at mapaghandaan naman ng paaralan ang dami ng inaasahang mga estudyante.
Kaugnay nito, hinihikayat ang mga magulang na ipatala ng maaga ang kanilang mga anak kung ito ay papasok sa mga pampublikong Kindergarten, Grade 1, Junior Highschool at Senior Highschool sa darating na pasukan sa Hunyo.
Tatagal ang early registration ng DepEd hanggang Pebrero 28.
P2.5-M pambili ng hygiene kit para sa mga mag-aaral sa Albay
Naglaan ng 2.5 milyong piso ang Department of Education para ipambili ng hygiene kit na ipapamahagi sa mga mag-aaral na apektado nang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Sinabi ni DepEd Albay Assistant Schools Division Superintendent Fatima Buen na sa susunod na linggo nilang ipapamahagi ang naturang hygiene kit na kinabibilangan ng towel, toothbrush, toothpaste, sabon at nail cutter.
Samantala, P5-M naman ang paunang pondo na inilaan para sa Temporary Learning Spaces o TLS sa mga lungsod ng Legazpi, Tabaco at Ligao.
Ipinabatid pa ni Buen ang inilaang budget para sa regular consumption ng kuryente sa mga paaralan sa lalawigan na pansamantalang nagsisilbing evacuation center ..bagamat hindi ito sapat para mabayaran pa maging ang mga nagamit ng evacuees.