Malaki ang pasasalamat ni Ormoc City Mayor Richard Gomez sa mga idinadaos na nationwide earthquake drill ng National Disaster Risk Reduction and Management Council on NDRRMC.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Gomez na naniniwala siyang malaki ang naitulong ng mga drill na ito sa kanyang mga kababayan lalo na sa aktuwal na pagtama ng lindol gaya ng nangyari kahapon.
Ipinabatid ni Gomez na dahil sa kamulatan at impormasyong naibigay ng mga earthquake drill ay batid na ng publiko ang mga dapat na maging tugon sa mismong pagtama ng kalamidad.
“Nagpapasalamat kami sa national government, sa radyo at sa TV about this information, true enough nung nangyari ang earthquake kahapon ay alam na ng mga tao ang kanilang gagawin, lumabas ng bahay at naghanap sila ng open space.” Ani Gomez
Aid
Samantala, nanawagan sa national government ang Ormoc City para sa mga karagdagang heavy equipment.
Ayon kay Ormoc City Mayor Richard Gomez, tatlong barangay ang naapektuhan ng landslide sa pagtama kahapon ng 6.5 magnitude na lindol.
Maliban dito, ilang kalsada, tulay, mga gusali at maging ang paliparan ng siyudad ay napinsala ng lindol.
“May malalaking part ng bundok na bumagsak sa isang barangay, pagbagsak ng lupa tinamaan yung bahay may namatay na 19-year old na nanay, yung 5 month old na anak, nasalba at luckily nabuhay.” Dagdag ni Gomez
Batay sa tala, isa ang naitalang patay sa Ormoc habang nasa mahigit isandaan at tatlumpu (130) naman ang naospital dahil sa lindol.
Tiniyak naman ni Gomez ang tulong sa mga naapektuhan niyang mamamayan.
“Yung mga nasa evacuation nabigyan na rin natin ng pagkain at patuloy na padadalhan ng tulong hanggang na makabalik sila sa mga bahay nila.” Pahayag ni Gomez
By Ralph Obina | Ratsada Balita (Interview)
Earthquake drills malaki ang naitulong sa mga taga-Ormoc was last modified: July 7th, 2017 by DWIZ 882