Samantala, niyanig naman ngayong hapon ng Magnitude 6.5 na lindol ang bahagi ng Eastern Samar.
Ayon sa PHIVOLCS, natukoy ang sentro ng lindol sa layong 19 kilometro hilagang kanluran sa bayan ng San Julian.
Tectonic ang pinagmulan ng pagyanig at may lalim na 17 kilometro.
Naramdaman ang intensity 5 sa Tacloban City at Catbalogan City sa Samar habang naitala naman ang instrumental intensity 4 sa Masbate City, Legaspi City, at Sorsogon City.
Nanawagan naman si PHIVOLCS Director Renato Solidum sa mga apektadong residente na maging kalmado at ligtas lalo’t posible ang mga aftershock.
PHIVOLCS, pinawi ang pangamba ng tsunami
Niyanig ng magnitude 6.5 na lindol ang Eastern Samar, pasado ala-1 ng hapon ng Martes (April 23).
Ito’y matapos tumama ang 6 .1 na lindol sa ilang bahagi ng Luzon nitong Lunes.
Batay sa tala ng PHIVOLCS, tumama ang lindol sa layong labing siyam na kilometro (19km) Hilagang- Kanluran ng San Julian, Eeastern Samar 1:37 ng hapon.
Naramdaman ang intensity VI sa San Julian.
Intensity V naman ang naiulat sa Tacloban City; Catbalogan City, Samar; General MacArthur, Salcedo at Guiuan sa Eastern Samar; Naval, Biliran; Catarman, Northern Samar; at Palo at Pastrana sa Leyte.
Naramdaman ang Intensity IV sa Abuyog, Hilongos, Javier, Capoocan, Julieta, Baybay, Barogo, Jaro, MacArthur, Matalum, at Villaba sa Leyte; San Francisco sa Southern Leyte; Bislig City sa Surigao del Sur; Iloilo City; Naga City; Sorsogon City; at Panganiban, Catanduanes.
Naranasan naman ang Intensity III sa Binalbagan, Negros Occidental; Cabalian, Southern Leyte; Dimasalang, Masbate; Butuan City; at Cabadbaran City.
Bago City at Bacolod City naman ang nakaramdam ng Intensity II, ayon sa PHIVOLCS.
Pinawi naman ni PHIVOLCS Dir. Renato Solidum ang pangamba na masundan ito ng tsunami dahil tumama aniya ang lindol sa lupa.
Wala rin umanong kinalaman ang lindol sa Eastern Samar at lindol na tumama sa ilang bahagi ng Luzon.
Sa panulat ni Jennelyn Valencia
Mahigit 60 afteshocks, naitala
Mahigit animnapung (60) aftershocks ang naitala mula sa magnitude 6.5 na lindol sa Eastern Visayas, kahapon.
Ipinabatid ng PHIVOLCS na hanggang alas-4 kaninang madaling araw ay naitala ang animnapu’t-apat (64) na aftershocks kung saan tatlo rito ang naramdaman.
Sinabi ni PHIVOLCS Seismology Department officer-in-charge Ismael Narag na hindi gaanong naging mapaminsala ang lindol sa Visayas kumpara sa Luzon dahil mas malalim ito at mas malawak ang sakop dahil ramdam ang nasabing lindol hanggang Bicol.
Dahil may kalaliman, inaasahang mas kaunti at mas mahihina ang mga aftershocks ng nasabing lindol sa Visayas.
Sa panulat ni: Judith Estrada-Larino