Iginiit ng abogado ni Vice President Leni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal na peke at walang batayan ang isinumiteng ebidensya ni dating senador Bongbong Marcos sa kanyang inihaing election protest.
Ang nasabing pahayag ni Macalintal ay kasabay ng kumpiyansa nito na mapagtitibay ni Robredo ang kanyang panalo noong 2016 elections kapag nagsimula na ang recount.
Sinabi pa ni Macalintal na isang panlilinlang sa Presidential Electoral Tribunal o PET ang nauna na nilang ibinulgar na pagsusumite ni Marcos ng pekeng listahan ng mga saksi na hindi naman rehistradong botante sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan.
Dagdag pa ni Macalintal, ibinasura na rin ng PET ang kahilingan ni Marcos na technical examination sa mga balota mula sa tatlong nabanggit na lalawigan.
—-