Naniniwala si Atty. Larry Gadon na malakas ang mga ebidensya niya para tuluyang ma-impeach o mapatalsik sa puwesto si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Reaksyon ito ni Gadon sa paglalantad ng legal team ni Sereno para sagutin ang mga alegasyon laban dito.
Sinabi sa DWIZ ni Gadon na kilala niya ang pangunahing abogado ni Sereno na si Atty. Alex Poblador subalit ang mga matitibay niyang ebidensya ang pinanghahawakan niya sa paggigiit na mapatalsik sa puwesto ang Punong Mahistrado.
“Mga batikang abogado yan, mga kilala, depende kasi yan sa kaso kung talagang winning o losing, among us lawyers, unang basa mo pa lang ng records, unang review mo pa lang ng ebidensya, alam mo na kung mananalo ka o matatalo ka, deep within their hearts alam nilang talo sila pero syempre nagpapalakas sila ng loob ng kliyente pero sa totoo lang alam na alam nila yan eh lalo na mga batikang abogado yan.” Ani Gadon
Sinabi sa DWIZ ni Gadon na mahigit 10 testigo ang ilalabas niya laban kay Sereno kapag nagsimula na ang impeachment process.
Bukod pa aniya ito sa halos 500-pahina ng mga dokumento mula mismo sa High Tribunal.
“May mahigit sampu siguro yun, sapagkat ang kainaman nito mayroong mga mahistrado na naghatid ng mensahe sa atin na gustong mag-testify voluntarily kahit hindi sila ipatawag, dagdag pa yan sa mga nagpahatid ng mensahe sa akin na kung sila’y iimbitahin ng Kongreso, sila ay tetestigo, pero itong huling tatlo ang sabi nila kahit hindi sila imbitahin ay pupunta sila.” Pahayag ni Gadon
(Balitang Todong Lakas (Interview)