Ipinanawagan na ng ekonomistang si House Ways and Means Committee chairman at Albay 2nd district Rep. Joey Salceda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara ng economic emergency.
Sa harap ito ng hindi maawat na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Salceda, obligasyon ni Pangulong Duterte na tugunan ang lumulobong presyo ng oil products na may napakalaking epekto sa ekonomiya ng bansa na nagsisimula pa lamang bumangon mula sa krisis na idinulot ng COVID-19 pandemic.
Inihirit ni Salceda ang naturang hakbang matapos ang hearing ng ad HOC House Committee na tumalakay sa oil prices habang nagkasundo ang mga mambabatas na irekomenda sa Pangulo na magpatawag ng special session ang kongreso.
Kung magdedeklara anya ng State of Economic Emergency ay maaaring gamitin ng local government units ang kanilang calamity funds upang matugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng krudo.
Kabilang sa mga maaaring tatalakayin sa special session ang pagsuspinde sa excise tax sa oil products at pagrebisa sa oil deregulation law.