Dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa ika – 27 pagpupulong ng iba’t-ibang leader na kasapi ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Isinagawa ang pagpupulong ng iba’t-ibang APEC Leader sa pamamagitan ng virtual conference kung saan, nagsilbing host dito ang Malaysia.
Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang usapin na may kinalaman sa kalusugan gayundin ang epektong dulot sa ekonomiya ng COVID-19 pandemic at kung paano makababangon dito.
Inilahad din ng Pangulo ang adhikain ng bansa gayundin ang posisyon nito sa mga hamon na may kinalaman sa kalakalan matapos ang 2020.
Maliban sa Pilipinas, kabilang din sa mga miyembro ng APEC ang mga bansang Canada, Brunei Darussalam, China, Australia, Indonesia, Japan, Malaysia, Mexico, New Zealand, Papua New Guinea, Peru, Russia, Singapore, Taiwan, Thailand, Amerika at Vietnam.