Tiniyak ng economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumikilos sila upang solusyunan ang patuloy na pagsipa ng inflation.
Sa harap ito ng mga panawagang sibakin na ang economic managers ng pangulo matapos na pumalo sa 6.4 percent ang inflation rate nuong Agosto na siyang pinakamataas sa loob ng siyam na taon.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino, inaasahan na nilang sisipa ang inflation ngayong third quarter ng taon ngunit inaasahan namang bababa simula sa huling bahagi ng 2018.
“The economic team is working very hard. Kasama po yung ibang mga ahensya hindi lang po yung economic cluster para talagang makapag-rollout po kaagad ng ating mga agriculture initiatives itong solusyon po natin sa pagtaas ng presyo ng pagkain.” Pahayag ni Lambino.
Sinabi ni Lambino na malaking bahagi ng mabilis na inflation ay dulot ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain.
“Ang nakita po natin sa datos ay malaki po ang pagtaas sa food inflation. Particularly meat, rice, fish atsaka vegetables ayan po yung commodity groups na nag drive doon sa food inflation. Yung non-food actually nag slow down ang inflation talagang sa agrikultura po ang mga solusyon na kailanganh natin ipatupad kaagad.” Ani Lambino.
Dahil sa kaliwat kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, umapela ang pamahalaan sa publiko na sabayan ng pagtitipid ang mga ginagawa nilang hakbang para solusyunan ang problem sa inflation.
“Kasama po ang konting pagtipid, kasama din ang mga measures na nabanggit ko kanina sa agrikultura. Yung food inflation ulitin ko po diyan po talaga sumipa ang mga presyo kailangan po diyan din po tayo maghanap ng mga solusyon.” Dagdag ni Lambino.