Magpupulong ngayong araw ang mga Economic Manager ng bansa upang maglatag ng mga hakbang para maibsan ang epekto ng walang-patid na oil price hike habang hindi gumagalaw ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Finance (DOF).
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), nanatili sa 3% ang inflation rate noong Pebrero sa kabila ng pananakop ng Russia sa Ukraine.
Kabilang anya sa kanilang binabantayan ang kalakaran sa presyuhan ng mga produktong petrolyo sa gitna ng patuloy na pagtaas nito at epekto ng hidwaan ng Ukraine at Russia.
Idinagdag pa ni Edillon na mag-pe-presenta sila ng analysis at pagtansa upang makapaglatag ng mga pansamantala o pangmatagalang solusyon.
Bukas ilalarga ng mga kumpanya ng langis ang kanilang ika-sampung sunod na linggong price increase.