Inihayag ng mga economic managers ng bansa ang kagustuhan ng mga ito na tuluyang buksan ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng pagsirit ng kaso ng COVID-19.
Sa isang joint statement, binigyang diin nina acting socioeconomic planning secretary Karl Chua, finance Secretary Carlos Dominguez at budget secretary Wendel Avisado na pupwede pa rin ituloy ang pagbubukas ng ekonomiya lalo na’t patuloy ang ginagawang vaccination program ng pamahalaan.
Dagdag pa ng mga ito, makatutulong din ang paglikha pa ng mas maraming trabaho ngayong taon.
Gayundin ang pagpapatupad ng recovery package at ang pagsisiguro na maipatutupad ang vaccination program sa lahat ng adult population ng bansa.
Sa huli, nanindigan ang mga economic managers ng bansa na sumunod lang sa umiiral na health protocols kontra COVID-19 para ligtas na mapasigla ang ating ekonomiya.