Inihahanda na ng Baguio City ang economic recovery plan (ERP) nito na gagamitin sa oras na matapos ang krisis dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Engineer Bonifacio Dela Peña, city administrator ng lungsod, wala pa aniyang pinal na plano ukol sa ERP, ngunit nagpulong na ang mga miyemro ng executive department ng lungsod para talakayin ang naturang plano.
Kasunod nito, plano ng lokal na pamahalaan na kanilang maisapinal ang ERP ng lungsod sa katapusan ng buwan.
Dagdag pa ni Dela Peña, ito’y paghahanda nila sakaling matuloy na palawigin ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Baguio at Benguet sa Mayo 15 dahil sasailalim pa ito sa rechecking sa Abril 30.
Prayoridad ng naturang economic recovery plan ay ang mga konstruksiyon, transportasyon, at maliliit na negosyo.
Samantala, nakatakda namang muling magpulong ang mga opisyal ng lungsod para bumuo na ng pinal na desisyon at mga plano kung papaanong ibabalik ang sigla ng ekonomiya ng lungsod.