Sinupalpal ng Iran ang panibagong economic sanctions bill na nilagdaan ni US President Donald Trump.
Ayon kay Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khameni, ipagpapatuloy nila ang kanilang missile program sa kabila ng international pressure.
Iginiit ni Khemeni na isang missile na kargado ng satellite ang pinalipad ng Iran kamakailan subalit agad binatikos ng Amerika gayong para lamang sa “scientific at technical research” gagamitin satellite.
Nanindigan naman ang Iranian leader na hindi sila patitinag sa pambubully ng Estados Unidos at handang ipagtanggol ang bansa laban sa mga tunay na kalaban.
Bukod sa Iran, pinatawan din ng sanctions ng US ang Russia at North Korea.
“Trade war”
Maituturing na “full scale trade war” ang panibagong sanctions bill ng Amerika laban sa Russia.
Ayon kay Russian Prime Minister Dmitry Medvedev, nakadidismayang nilagdaan ni US President Donald Trump ang bill na nagpapataw ng mga sanction sa Russia dahil sa pakikialam nito sa November 2016 Presidential elections sa Amerika.
Ibinabala ni Medvedev na magkakaroon ng epekto sa global trade at maging ugat ng kaguluhan ang naging hakbang ng Estados Unidos.
Sa halip na maging maganda ang relasyon ng US at Russia gaya ng kanilang inaasahan nang maluklok si Trump sa puwesto, posible anyang tuluyang maputol muli ang ugnayan ng dalawang makapangyarihang bansa.
Samantala, ibinabala rin ni Trump na nasa pinakamababang lebel na ang relasyon ng Amerika at Russia at nanganganib na muling manlamig ang ugnayan ng dalawang bansa o magkaroon muli ng “cold war.”
By Drew Nacino