Muling nagbanta ang grupong Employer’s Confederation of the Philippines (ECOP) sa pamahalaan na maraming kumpaniya ang tiyak na magsasara sakaling maisabatas ang panukalang tutuldok sa end of contract (ENDO) sa lahat ng kumpaniya.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz – Luis, malaki ang tsansang mabawasan ang mga pagkakataon sa iba’t ibang sektor para sa mga Pilipino sakaling isabatas ang nasabing panukala.
Kabilang na aniya sa mga matinding maaapektuhan ng nasabing batas ang foreign direct gayundin ang local investments kung ititigil ang subcontracting.
Bagay na kinontra naman ng Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) kung saan, tinawag nila ang ECOP na sirang plaka ang mga banta nito.
Giit ni ALU-TUCP Spokesperson Allan Tanjusay, ang mga manggagawa aniya ang nagpapayaman sa ekonomiya ng bansa sa kabila ng maliit na suweldo at kawalan ng security of tenure.
Panahon na upang suklian ng mga negosyante ang lahat ng obrero sa kanilang sakripisyo upang lalo pang makatulong ang mga ito sa pagpapaunlad ng kanilang mga buhay.