Hati ang opinyon ng isang grupo ng mga employers sa panukalang palawigin ng dalawang taon ang probationary employment period mula sa kasalukuyang anim na buwan.
Ayon kay Employers’ Confederation of the Philippines President Sergio Ortiz-Luis Jr. (ECOP), magiging paborable ang panukala para sa mga employers sa usaping teknikal dahil sa mas mahabang panahon ng pagsasailalim sa probation ng mga manggagawa.
Sinabi ni Ortiz-Luis, naniniwala rin silang kulang o hindi sapat ang anim na buwan para sa mga manggagawa para matutunan ng maigi ang trabaho at maging produktibo.
May mga trabaho, lalo na sa manufacturing, na hindi mo naman malaman kung papasa dahil sa training pa lang, by the time na tini-train mo, by the time na dapat ay productive na sila, at alam mo na ang kakayahan, e, six months na, so, maikli talaga and it’s very hard to determine whether in some cases maikli, in some cases it’s not,” ani Ortiz-Luis.
Gayunman, binigyang diin ni Ortiz-Luis na hindi pa rin naman aniya basta-basta maipatatanggal ang isang empleyado kahit nasa probationary status pa lamang ito.
Aniya, maaari pa ring magreklamo ang mga matatanggal na empleyado.
Kapag kinukuha ‘yung probationary, technically, hindi mo naman pwedeng tanggalin basta-basta, lalo na ‘yung mga maliliit nating kumpanya pagka-kumukuha ng tao ‘yan halimbawa, kailangan mo ng 20 tapos kumuha ka ng 20 probationary, pagdating no’ng end of period, kung hindi ka may ‘just cost’ o nagbibigay ka ng standard na hindi naman ginagawa ng maliliit na kumpanya para matanggal siya at the end of the probationary period, hindi mo naman pwedeng tanggalin din, pwede ka ring i-complain,” ani Ortiz-Luis. — sa panayam ng Ratsada Balita