Hindi patas para sa mga hindi bakunadong indidwal at hindi makakatulong ang panukalang bakuna bubble sa pag-ahon ng ekonomiya.
Ito ayon kay Employers Confederation of the Philippines o ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr. dahil aniya bukod sa diskriminasyon ito sa mga hindi pa bakunado ay dagdag na gastos lamang ito lalo na sa mga maliliiit na negosyo na kakailanganin pang kumuha ng karagdagang tauhan para tumingin sa mga vaccination card ng kanilang mga kustomer.
Sinabi naman ni Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI Acting President Edgardo Lacson na maraming mga kustomer ang hindi pa rin maaaring lumabas dahil prayoridad ng gobyerno sa pagbabakuna ay ang mga senior citizen at may comorbidity.
Paliwanag pa ni Lacson, paguguluhin lang ng diskriminasyon laban sa hindi bakunado ang maagang pagbubukas ng ekonomiya dahil kahit fully vaccinated na ang buong populasyon ay imposible pa ring makamit ang herd immunity ayon na rin sa mga eksperto.
Ayon naman kay Philexport Chairman George Barcelon, maliban sa malawakang pagbabakuna ay dapat na magkaroon ng iba pang mga hakbang lalo pa’t naaantala ang pagkakaroon ng population protection dahil sa limitadong suplay ng mga bakuna.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico