Planong pabakunahan ng pamahalaan ng Israel kontra coronavirus disease (COVID-19) sa Marso ang mga bata edad 12 pataas kung lumabas sa pag-aaral na ligtas ang COVID-19 vaccine.
Ayon kay Israel Pandemic National Coordinator Nachman Ash, posibleng ligtas ang COVID-19 vaccine sa edad 16 hanggang 12 anyos .
Aniya ang mga bata edad 16 pababa na hindi mababakunahan ay hindi nakatitiyak na makakukuha ng herd immunity.
Batay sa ulat ng Reuters, target ng Israel na maturukan ng isa o dalawang beses ang limang milyon mula sa 9 na milyon nitong mamamayan at muling magbukas ng ekonomiya sa kalagitnaan ng Marso.
Prayoridad ng pamahalaan ng Israel na bakunahan ang mga senior citizens, matatandang may iniindang karamdaman at ang mga nagtatrabaho sa mga high risk sectors.
Base naman sa datos ng Central Bureau of Statistics, tinatayang nasa 7.75% ng populasyon ng Israel ang nasa edad 12 at 16 taong gulang.—sa panulat ni Agustina Nolasco