Pinahihintulutan na ng pamunuan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na makalabas ng kani-kanilang kabahayan ang mga indibidwal na may edad 15-taong gulang hanggang 65-taong gulang.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ito’y tugon sa mga panawagang payagan nang makalabas ang mga menor-de-edad at senior citizen para makatulong sa muling pagsigla ng ekonomiya ng bansa.
Binibigyan naman ng kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan para i-adjust ang age limit para sa mga menor-de-edad depende na lamang sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) situation sa kani-kanilang lungsod.
Kasunod nito, isinama na rin ng IATF ang mga napauwing Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga Overseas Filipino na nakauwi na sa kanilang mga kaanak sa listahan ng authorized persons outside residence (APOR).