Maaari nang magtungo o makapasok sa malls ang mga menor de edad basta’t kasama ang kanilang mga magulang.
Ito ang inanunsyo ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa lingguhang ulat sa bayan ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang Inter-Agency Task Force (IATF) ayon kay Año, pinayagan na ang unti-unting pagpapalawig sa age group na maaaring makalabas ng kanilang tahanan para sa pagdiriwang ng kapaskuhan.
Pagtitibayin aniya ang naturang kautusan sa pamamagitan ng ipalalabas na ordinansa ng mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Una rito, inirekomenda ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapahintulot sa mga batang may edad 7 taon pataas na makapasok sa mga malls.
Sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez, layunin nitong maibalik ang sigla ng ekonomiya sa kabila ng patuloy na pagharap ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Gayunman, limitado pa rin dapat ito sa dining activities at pagbili ng mga essential goods habang mananatiling sarado ang mga arcades o palaruan.