Isinusulong sa senado na gawing 60-taong gulang ang compulsory retirement age sa hanay ng kasundaluhan, kapulisan at iba pang mga itinuturing na uniformed personnel sa pamahalaan.
Ayon kay Senate Pro-Tempore Ralph Recto, layon nito na maibsan ang gastusin ng pamahalaan para sa pensyon ng mga retiradong uniformed personnel kada taon, na tila mas malaki pa sa budget para sa sweldo ng mga kasalukyan pang nagseserbisyo.
Mababatid na sa ngayon, ay 55-taong gulang ang compulsory age o edad na dapat na magretiro ang mga kawani ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at iba pa.
Nais din ni Recto na magtatag ang Government Service Insurance System ng retirement plan para sa mga military and uniformed personnel.
Kasabay nito, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, dapat muna itong masusing pag-aralan, lalo’t maraming mga opisyal ng AFP ang nais na magretiro sa edad na 55.
Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, dapat itong gawan ng solusyon lalo’t lumolobo ang bayarin ng pamahalaan pagdating sa pensyon.
Kung kaya’t isinusulong sa senado ang paglikha ng bukod o hiwalay na pension system para sa mga uniformed personnel. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)