Pumanaw na ang beteranong aktor na si Eduardo “Eddie” Garcia sa edad na 90 years old.
Batay sa ipinalabas na medical bulletin ng Makati Medical Center, namatay si Garcia dakong alas-4:55 ng hapon, kahapon, June 20.
Si Garcia ay ilang araw ding na-comatose at nasa kritikal na kondisyon matapos na maaksidenteng mapatid habang nasa kalagitnaan ng shooting para sa isang teleserye noong June 8.
Una na rin itong isinailalim sa do not resuscitate (DNR) status makaraang hindi pa rin magkamalay kasunod ng aksidente.
Isinilang si Garcia noong May 2, 1929 sa Juban, Sorsogon.
Halos 70 nang nasa showbiz industry si Garcia kung saan nagsimula ang kanyang acting carreer noong 1950 sa pelikulang Siete Infantes De Lara.
Kilala si Garcia sa pagganap bilang pangunahing kontrabida sa mga action movie.
Bago nagsimula sa showbiz, nagsilbi si Garcia bilang military policeman sa Okinawa, Japan kasama ang Philippine Scouts matapos ang World War 2.
Burol ni Eddie Garcia bubuksan sa publiko
Bubuksan sa publiko mamayang alas-9 ng umaga ang burol ng yumaong beteranong aktor na si Eddie Garcia sa Heritage Park sa Taguig.
Ayon kay Congressman Mike Romero, stepson ni Garcia, tatagal lamang hanggang Linggo, Hunyo 23 ang burol ng aktor alinsunod na rin sa naunang kahilingan nito.
Pasado alas-9:20 kagabi nang ilabas sa Makati Medical Center ang labi ni Garcia at dalhin sa Heritage Park kung saan isinagawa ang cremation dito dakong alas-11 ng gabi.
Una na ring nagkaroon ng pribadong burol para sa pamilya, mga kaanak at malalapit na kaibigan ni Garcia sa magdamag.