Iimbestigahan ng Philippine Army ang sinasabing lumabas na ‘edited’ picture ng mga sumukong miyembro ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay Philippine Army spokesperson Lt. Col. Ramon Zagala, kanilang papanagutin ang mapatutunayang lumabag sa kanilang polisiya sa pagpapalabas ng impormasyon.
Pagtitiyak ni Zagala, nananatili ang high standards ng Philippine Army kung saan nakabatay sa polisiya, seguridad, pagiging wasto at angkop ang paraan ng pagkuha at paglalabas nila ng mga impormasyon.
Una na ring inamin ng Philippine Army 9th Infantry Division na edited o minanipula ang ibinigay nilang larawan sa media na nagpapakita ng mga sumukong rebelde sa Masbate.
Kasabay nito humingi na rin ng paumanhin si 9th Infantry Division spokesperson Major Ricky Aguilar at iginiit na wala silang intensyon na magbigay ng maling impormasyon.