Bubuksan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang EDSA bus carousel para sa mga truck na maghahatid ng mga bakunang Sinovac.
Inihayag ito sa DWIZ ni MMDA Chairman Benhur Abalos kasunod ng nakatakdang pagdating ng mga nabanggit na bakuna mula China mamayang ala singko ng hapon.
Ayon kay Abalos, isasakay ang nasa 600,000 mga bakuna sa 40 foot container vans mula Villamor Air Base sa Pasay City patungong storage facility sa Marikina City.
Dagdag pa ni Abalos, magiging katuwang nila sa paghahatid ng bakuna ang mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) ng pulisya para umagapay sa maayos na pagbiyahe ng mga bakuna.
Posibleng magamit pa ‘yan kung hindi naman ay katabi o adjacent rito dahil halos maka-anim na 40 foot container na trucks, malalaki ito, kung kaya’t merong HPG na security, may mga kapulisan ‘yan and of course merong mga MMDA na nakamotorsiklo na nagbabantay dito,” ani Abalos.
Kaya naman may paki-usap si Abalos sa mga motoristang babaybay sa kahabaan ng EDSA na bigyang daan ang mga trak na naghahatid ng mga bakuna patungo sa itinalagang imbakan nito.
Yung mga strategic points nakatalaga na rin yung ating ground enforcers at may mga tow trucks, may mga emergency vehicles na nakalagay na rin ‘yang lahat na ‘yan para mabilis ito, actually hindi lamang natin tinitignan itong mga araw na ito kundi yung mga vaccines pa na darating sa mga susunod na linggo o susunod na araw kaya ako’y nananawagan sa mga nakikinig na kung sakaling makita itong convoy na ito, manggaling na po sa atin na tayo’y tumaba-tabi na, ito’y para sa bansa, para sa bayan natin itong mga vaccines na ito,” ani Abalos.