Balik na sa normal na operasyon ang Edsa Bus Carousel sa Tramo Station na sakop ng Pasay City.
Ito’y matapos ang inagurasyon ng Department of Transportation (DOTR) sa pangunguna ni DOTR Secretary Jaime Bautista bilang karagdagang istasyon sa Edsa busway.
Matatandaang nagtapos na kamakailan ang libreng sakay program ng pamahalaan na nakatulong para mapagaan ang gastusin ng mga komyuter kung saan, umabot sa mahigit 300,000 pasahero ang nabigyang-serbisyo.
Ayon kay Bautista, ang karagdagang istasyon sa busway system ay may layuning mas mapabuti at maiangat ang international standards sa sektor ng transportasyon upang mas maging kaaya-aya at komportableng sakyan ng mga mananakay.
Sinabi ng kalihim na sa ngayon, umabot na sa 17 mga bus stop ang naidagdag sa Edsa Busway system sa tulong na rin ng iba’t ibang ahensya ng gobyero na binubuo ng LTFRB, MMDA, DPWH at mga miyembro ng I-ACT.