Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na panatilihin ang diwa ng pagkakaisa ng bawat isa na siyang tunay na diwa ng 1986 EDSA People Power Revolution.
Batay sa inilabas na mensahe ng pangulo, binigyang diin nito na nakikiisa siya sa paggunita sa isang tagpo sa kasaysayan na nagpakita ng tapang ng mga Pilipino sa buong mundo.
Umaasa ang pangulo na sa pamamagitan ng okasyong ito, maipagpatuloy pa ng mga Pilipino ang mga layunin na mapalago pa ang demokrasya, paninindigan para sa karapatan at pagpapalakas ng mga institusyon na nagtataguyod sa kalayaan ng lahat.
Pangungunahan naman ng People Power Commission at ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang mga programa para sa ika-tatlumpu’t dalawang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong araw.
Ngayong umaga, isasagawa sa People Power Monument sa Quezon City ang pag-aalay ng bulaklak, isang misa at susundan ng pagtataas ng watawat ng Pilipinas.
Isasagawa rin ang tradisyunal na salubungan o ang kapit bisig na pagmamartsa ng militar at ng publiko bilang pagsariwa sa makasaysayang tagpo nuong 1986 na siyang naging daan para sa pagpapabagsak sa rehimen ng noo’y Pangulong Ferdinand Marcos.
Panauhing pandangal sa nasabing okasyon si dating Pangulong Fidel Ramos na isa sa mga pangunahing personalidad ng EDSA People Power at gagawaran din ito ng People’s Power Heroes Award.
Una rito, kinumpirma kahapon ng Malacañang na hindi makadadalo sa ikalawang sunod na taon ang pangulo sa mga aktibidad kaugnay nito sa halip, mananatili lamang ito sa Davao City.