Nakatakdang magsagawa ng public hearing bukas, ika-10 ng Disyembre ang pamunuan ng Food and Drug Administration (FDA) kasama ang ilang opisyal ng Pfizer at mga eksperto nito sa gitna ng hakbang ng pamahalaan na mabakunahan ang publiko.
Ayon kay Dr. Tony Leachon, isang public health expert, oras na maging matagumpay ang isasagawang public hearing ay susunod na ang pagbabakuna.
Mababatid na inihayag ng Pfizer-BioNTech na 95% epektibo na ang kanilang bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Habang ang Astrazeneca naman ay nakapagtala ng 70% pagiging epektibo o efficacy ng kanilang bakuna.
Paliwanag ni Dr. Leachon, sa pagpili ng bakuna, dapat tiyakin ng pamahalaan ang pagiging epektibo at ligtas nito.
Pag pumili kasi tayo ng gamot, dalawa ang pagpipilian mo, efficacy at safety. So, okay po ‘yan… 70% is still fine kasi and inaambisyon nga lang ng FDA noon 50% na effective lang ng bakuna, okay na sa amin,” ani Leachon.
Ito’y para mapawi ang agam-agam ng nasa 30% populasyon ng bansa na magpabakuna kontra COVID-19.
Paniwala ni Dr. Leachon, hindi na mauulit pa ang nangyaring aberya sa mga bakuna kontra dengue, lalo’t nakatuon ang pansin ng buong mundo sa ginagawang mga bakuna ng pharmaceutical companies laban sa nakamamatay na virus.
Bihirang-bihira na, kasi ang buong mundo nakatuon sa bakuna na ito. They could not afford to make a mistake. Unlike sa first, ‘yung nangyari sa bansa natin,” ani Leachon.
Kaugnay nito, sa nalalapit na pagdiriwang ng kapaskuhan, muling nagpaalala si Dr. Leachon sa publiko na huwag magpakampante lalo’t nariyan pa rin ang banta ng COVID-19.
Ani Dr. Leachon, kung magiging mabilis ang paggulong ng pagkuha ng bakuna, posibleng sa Abril pa sa susunod na taon mababakunahan ang publiko.
Hindi pa, kasi, ang tingin ko mare-receive natin ito mga bandang Marso o April, ‘pag ganito kabilis. Kasi, iniisip ko, ang 3 weeks, ‘di ba sa UK, 20 million, ganoon pala sila ka-organize, mabilis kung 3 weeks lang ang pagitan ng dalawang doses, e, ‘di magaling, makakahingi na tayo niyan,” ani Leachon. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882