Sinuspinde na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ng Lanao del Sur ang paglulunsad ng anumang uri ng mass gathering o pagtitipon na may kaugnayan sa Eid’l Fitr.
Ito ay makaraang maglabas ng resolusyon ang Provincial IATF hinggil dito upang maiwasan ang posibleng mangyaring matinding hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa publiko.
Batay sa Resolution No. 06 series 2021, ipinag-uutos ng Provincial IATF ang pag-iral ng temporary ban sa mga congregational prayers na gagawin sa labas ng at loob ng mga mosque.
Hinihikayat din ang mga Muslim constituents na ipagdiwang ang Eid’l Fitr sa kani-kanilang mga tahanan, kasabay na rin ng pagsunod sa umiiral na minimum health standards at protocols.
Samantala, ipagdiriwang naman ang Eid’l Fitr sa darating na Huwebes, ika-13 ng Mayo.