Hindi muna pinapayagan na mabisita ngayon ng mga turista ang Eiffel tower sa France.
Ipinatupad ito ng mga awtoridad doon kasunod ng hiling ng gabinete ng France matapos silang magsagawa ng emergency meeting dahil sa kabi-kabilang pag-atake sa Paris.
Sarado din muna ngayon ang Louvre museum at Musee D’Orsay pati na ang ilang concert halls, museums, libraries, eskwelahan at iba pa.
Hindi pa matiyak sa ngayon kung hanggang kailan mananatiling sarado ang mga nabanggit na lugar.
Ayon sa post attack assessment ng mga awtoridad sa France, hindi target ng mga pag-atake ang mga kilalang tourist destination tulad ng Eiffel Tower.
Ang pagsasara ng Eiffel Tower ay pre-emptive measure lamang at bahagi ng pinaigting na seguridad sa buong France kasunod ng terror attack.
Higit 24-oras ng ipinatutupad ang mahigpit na border security papasok at palabas ng France.
By: Jonathan Andal