Nangunguna pa rin ang EJK o extrajudicial killings at mga pagpatay na kinasasangkutan ng mga pulis sa ilalim ng drug war ng administrasyong Duterte sa mga pangunahing human rigths concern ng US State Department.
Batay sa US State Department 2017 Country Report on Human Rights Practices, kapansin-pansin umano ang biglaang pagtaas ng bilang ng mga EJK cases sa bansa noong 2016 kung kailan nagsimula ang anti-drug war ng administrasyon.
Lumala rin ayon sa report ang police impunity o ang mga pagpatay na kinasasangkutan ng mga pulis pero naaabsuwelto sa mga parusang legal.
Gayunman, kinikilala rin ng US State Department ang mga ginagawang pagsisikap ng pamahalaan para sa pangangalaga sa karapatang pantao dahil sa mga ikinakasang imbestigasyon hinggil mga pang-aabuso sa karapatang pantao.
LINK: http://www.state.gov/j/drl/rls/hrrpt/humanrightsreport/index.htm?year=2017&dlid=277111
DFA, may buwelta sa nasabing ulat
Hindi kailangan ng Pilipinas ang mga bansa tulad ng Amerika na ang tingin sa sarili ay mas nakahihigit pa sa mga Pilipino.
Iyan ang buwelta ni Foreign Affairs Secretary Alan peter Cayetano sa 2017 Country Report on Human rights Practices ng US State Department.
Ayon kay Cayetano, dapat aniyang ibigay sa Pilipinas ang pantay na paggalang na ibinibigay nito sa lahat ng mga bansa sa mundo bilang isang malayang bansa.
Iginiit pa ng kalihim na pinaiiral pa rin ng Pilipinas ang rule of law sa kampaniya nito kontra sa iligal na droga at walang karapatang pantao aniya ang natatapakan sa pagpapatupad nito.
Pinoprotektahan lamang aniya ng pamahalaan ang buhay at kaligtasan ng mga inosenteng Pilipino na kadalasang nabibiktima ng mga lulong sa droga na wala nang kinikilalang diyos at batas.