Maaari gamiting batayan para sa kaniyang impeachment ang pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na aniya’y ang tanging kasalanan na kaniyang nagawa ay ang EJK o extra judicial killings.
Ayon kay Antonio La Viña, dating dean ng Ateneo School of Law, kung inamin ni Pangulong Duterte na may nangyaring EJK nang dahil sa kaniya, maibibilang itong labag sa konstitusyon.
Paliwanag pa ni La Viña, ang naturang pahayag ng Pangulo ay maaaring maging dahilan para siya ay ma-impeach sa dalawang paraan.
Una aniya ay kapag napatunayan na siya mismo ang nag-utos ng EJK at pangalawa, kung walang ginawang aksyon ang Pangulo para ito ay pigilan.
Gayunman, una na rito ay nilinaw ng Palasyo na walang ginawang pag-amin ang Pangulo sa kaniyang naging pahayag.