Tinukoy ng pamahalaan ng Estados Unidos ang mga kaso ng EJK o extra judicial killing bilang pangunahing ikinababahala sa Pilipinas na kaugnay sa usapin ng karapatang pantao.
Ito ay matapos tukuyin sa 2018 global human rights report ng US State Department ang pagsirit sa bilang ng mga biktima ng EJK sa Pilipinas kasabay ng pag-arangkada ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga noong 2016.
Batay sa ulat, mula Enero hanggang Setyembre 29 nitong 2018, naitala ng media ang nasa 673 nasawing drug suspects sa mga ikinasang operasyon ng pulisya na may kaugnayan sa war on drugs.
Binanggit din ng US State Department ang limitadong bilang ng mga inimbestigahan kaugnay ng mga napaulat na kaso ng pang-aabuso sa karapatang pantao.
Kapuna-puna rin anila ang pagtaas sa police impunity at mabagal na pag-usad ng hustiya sa bansa kasunod ng mabilis na pagtaas ng mga napapatay sa police operations noong 2016.