Pinawi ng pamahalaan ang pangambang bumagsak ang ekonomiya ng Mindanao kapag pinalawig hanggang katapusan ng taon ang Martial Law doon.
Ayon kay DILG o Department of Interior and Local Government Assistant Secretary Epi Densing, nagkaroon ng istabilidad ang kaayusan ang kapayapaan sa Mindanao nang ideklara ang Martial Law.
Pinaka-importante aniya sa mga negosyante ang peace and order at istabilidad sa mga pulisiya ng pamahalaan.
Itinanggi rin ni Densing na iniiwasan nang puntahan ng mga negosyante ang Mindanao dahil sa katunayan ay sa Davao City pa gaganapin ang isang international summit hinggil sa negosyo.
Una rito, nagbabala si dating Pangulong Fidel Ramos na posibleng bumagsak ang ekonomiya sa Mindanao dahil sa kahilingan ng Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin hanggang katapusan ng taon ang Martial Law.
“Kung titignan natin yung ating ekonomiya for the last 60 days ang barometer po natin diyan usually is stock market, nung idineklara ang Martial Law I think na 7,800 points ang ating stock market ngayon po as of yesterday mag-8,000 na po, in fact hindi talaga natinag, ang importante kasi sa mga negosyante ay stability in policy and stability in economy, peace and order, nakita nila yan nung nagdeklara ng Martial Law, hindi naman po natinag, this is as usual actually sa Mindanao.” Pahayag ni Densing
Kaugnay nito, nahahabaan naman ang political analyst at Professor na si Ramon Casiple sa nais ng Pangulong Rodrigo Duterte na mapalawig ang Batas Militar sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taon.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Casiple na tiyak na may malaking epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang mahabang pagpapalawig ng Batas Militar.
Nangangamba rin si Casiple na maging ang turismo sa Pilipinas ay maapektuhan sa planong ito ng Pangulo.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Ramon Casiple, isang Political Analyst