Malaki ang maitutulong ng matatag na ekonomiyang mamanahin ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagpapatupad ng mga plano para matugunan ang mga krisis na bubungad sa kanyang administrasyon, ayon sa ulat na nakalap ng papasok na pangulo sa kanyang Economic Team.
Kabilang sa mga hamong ito ang lalo pang mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya mula sa COVID-19; pagsipa ng presyo ng langis at mga bilihin; mga epekto ng gyera sa Ukraine; at ang nakaambang pandaigdigang krisis sa pagkain.
Sabi ni Marcos: “Nagbibigay ng kumpyansa sa marami sa atin ang mga pahayag ng ating incoming economic managers sa pamumuno ni outgoing Bangko Sentral governor at incoming finance secretary, Benjamin Diokno, patungkol sa matibay na economic fundamentals na paghuhugutan ng lakas at kaparaanan sa pagharap sa mga suliraning ito.”
Dagdag ng papasok na pangulo: “Hindi magiging madali ang trabaho, ngunit malaking bagay na nagmumula tayo sa matibay na pundasyon.”
Bago nagdulot ng pinsala ang pandemya, lumalago ang ekonomiya ng Pilipinas ng anim na porsyento kada taon. Kumpyansa si Diokno na nagsimula na at patuloy na umaahon ang bansa.
Giit niya, maging ang International Monetary Fund (IMF) ay naniniwalang maganda ang economic prospects ng Pilipinas. Batay sa projection ng IMF, papalo sa 6.5-percent ang paglago ng bansa ngayong 2022 — pinakamalaki sa rehiyon.
Sa isang talumpati sa Maynila noong Hunyo 13, sinabi ni Diokno na mula Enero hanggang Marso 2022, lumago ng 8.3-percent ang ekonomiya — mas malaki kaysa Malaysia, Indonesia, Vietnam, Singapore, at Thailand.
Kasama sa mga sektor na lumago ang agrikultura, forestry, at pangingisda na nagtala ng 0.2-percent expansion; industriya, na lumago ng 10.4-percent; at services, na lumago ng 8.6-percent.
Sa katapusan ng Abril 2022, umabot sa 106.8 billion US dollars ang gross international reserves — kabilang ang US dollar value holdings, foreign remittances, at ginto — na may katumbas na 9.4 buwang imports, samantalang tatlong buwan lang ang minimum standard na kailangang panatilihin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Halos dalawang milyong trabaho naman ang nailikha noong Pebrero at Marso ng kasalukuyang taon na nakatulong para mapababa ang unemployment rate na pumalo sa 17.6-percent noong Abril 2020, na pinakamataas sa kasaysayan.
At kahit nakaranas ng dagok ng pandemya, agresibong muli ang manufacturing sector; pumalo sa pinakamataas sa higit apat na taon ang S&P Global Philippines Manufacturing Purchasing Managers’ Index, na nasa 54.1-percent noong Mayo.
Tumaas din ang consumer at business confidence: inaasahang papalo sa 30.4-percent sa susunod na labing dalawang buwan ang consumer sentiment o kumpyansa at paggastos ng mga mamimili; inaasahan namang papalo sa 69.8-percent ang business confidence index sa kaparehong panahon.
Sa kabila ng lumobong paggastos ng gobyerno bilang bahagi ng pagtugon sa pandemya na humantong sa mas mataas na debt-to-GDP ratio, kumpyansa si Diokno na bababa ang utang sa 60.4-percent sa taong 2024 — dalawang taon sa panunungkulan ng Marcos administration.
Sa katapusan ng Marso 2022, 63.5-percent ng GDP ang pambansang utang, pero malayo naman ito anya sa ibang bansa na 100-percent o 200-percent ang porsyento ng utang sa GDP.
Bayad na rin ang ipinahiram na cash advances ng BSP sa national government sa kasagsagan ng pandemya noong 2020-2021, na umabot sa 10.3 billion US dollars. Nabayaran ito bago pa man napaso ang June 11, 2022 maturity schedule.
Sumipa naman ng 1.71 billion US dollars o walong porsyento ang foreign direct investments nitong Enero-Pebrero 2022, matapos ang makasaysayang 10.5 billion US dollars foreign direct investments noong 2021.
Ayon kay Diokno, patuloy na ma-e-engganyo ang foreign investors na mamuhunan sa Pilipinas matapos ang pagsasabatas ng kasalukuyang administrasyon sa Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act, and Public Services Act.
Bukod dito, dagdag ni Diokno, bahagi ng mga repormang ipapasa ng Duterte administration sa Marcos administration ang mas magandang tax system dahil nagpatupad ng reporma sa personal income tax at corporate income tax; tatlong beses nagtaas ng buwis sa sigarilyo; nagtaas ng buwis sa langis; at sa unang pagkakataon, napatawan ng buwis ang matatamis na mga produkto.
Makatutulong din anya sa development agenda at mga programa ni President-elect Marcos ang sinimulang “Build Build Build” infrastructure program ng kasalukuyang administrasyon.
Mula 2016 hanggang 2021, pumalo sa 5-percent ng GDP ang ginastos para sa imprastraktura, mas malaki kaysa 1.5-percent mula 2001 hanggang 2009, at 2.5-percent mula 2010 hanggang 2015.
Walumpo’t walong malalaking proyekto naman ang ipapasa ng kasalukuyang administrasyon sa Marcos administration.
Matatandaang noong panahon ng kampanya, pinuri ni Marcos ang pagpapahalagang binigay ng liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa infrastructure development.
Nangako si Marcos na ipagpapatuloy ito sa kanyang “Build Better More” infrastructure plan, kung saan kasama na ang digital infrastructure.
Naniniwala si President-elect Marcos na kailangang magtuloy-tuloy ang pag-arangkada ng infrastructure program ng Duterte administration, at dapat pa umano itong palakasin sa pamamagitan ng mga makabagong paraan para lalo pang gumanda ang infrastructure development at makapagdagdag ng trabaho.
Sa tala ng Department of Public Works and Highways (DPWH), umabot sa 6.5-milyong trabaho simula 2016 ang nailikha ng “Build Build Build” program.
Paniwala ni Diokno, mahalaga ang continuity o pagpapatuloy ng incoming Marcos administration sa mga programa ng outgoing Duterte administration para mapanatili at mas mapalakas pa ang pagsulong ng ekonomiya at maramdaman ng mga Pilipino ang pag-unlad.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Diokno na balak ng Marcos administration na maibaba sa single digit na lang ang poverty incidence o bilang ng mga mahihirap sa pagtatapos ng termino ni President-elect Marcos.