Hindi mararamdaman ang impact ng Brexit o pagkalas ng United Kingdom sa European Union.
Ito ang pagtitiyak ni Finance Secretary Cesar Purisima kung saan sinabi nitong wala dapat ikabahala ang mga Pinoy sa posibleng epekto ng Brexit sa ekonomiya ng bansa.
Sa pagtaya ng business community sa Pilipinas, lumalabas na hindi naman mataas ang naibibigay ng Britanya sa Pilipinas pagdating sa usapin ng kalakalan, pamumuhunan at mga ipinapadalang pera ng ating mga kababayan doon.
Gayunman, iginiit ni Purisima na hindi pa rin dapat magpakampante ang ekonomiya ng Pilipinas at mas mainam kung magiging mapagbantay.
Tiniyak naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na naka-monitor sila ngayon sa sitwasyon sa Europa.
Una rito, bumoto sa pamamagitan ng isang referendum ang mayorya ng mga taga-Britanya pabor sa pag-alis sa European Union makalipas ang 41 taong pagiging miyembro nito.
Ang UK ang kauna-unahang bansang kumalas sa EU na nagresulta sa pagbagsak ng stocks sa Europa.
By Ralph Obina