Sa kabila ng mga pandaigdigang krisis na kinakaharap sa buong mundo, kinilala ni Australian Deputy Prime Minister Richard Marles ang katatagan ng ekonomiya ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Para kay Marles, “proactive” si Pangulong Marcos sa pagtugon sa mga isyung kinakaharap ng ekonomiya matapos ang pandemya, partikular na pagdating sa inflation.
Ayon sa Australian Ministers of Parliament, kapuri-puri ang performance ng ekonomiya ng Pilipinas sa Southeast Asia dahil sa obserbasyon ni Pangulong Marcos na “economic security is national security.”
Matatandaang iniulat noon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mas bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong January 2024 sa 2.8%, mula 3.9% noong December 2023.
Ito ang naitalang pinakamababang inflation rate sa bansa mula noong October 2020.
Kasunod ng ulat na ito, ipinangako ni Pangulong Marcos ang patuloy na paglago ng ekonomiya.
Samantala, kinilala rin ni Marles ang naging inisyatiba ni Pangulong Marcos na pangunahan ang Department of Agriculture (DA) bilang bahagi ng kanyang political mission na magkaroon ng self-sufficiency sa bansa.
Para naman kay Pangulong Marcos, dapat magtatag ng matibay na ekonomiya ang Pilipinas at Australia upang harapin ang mga parating na hamon.
Saad niya, “We need to ensure that our economies remain powerful tools that positively shape the lives of our peoples and ensure the sustainability of the planet.”