Kumpiyansa ang Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI na uunlad ang ekonomiya ng bansa sa susunod na taon.
Ayon sa PCCI, sang-ayon sila sa naging pagtaya ng Asian Development Bank o ADB at ng World Bank na papalo sa 6.7 percent ang growth rate ng Pilipinas sa 2019 sa kabila ng mga kinakaharap na hamon ng iba’t ibang mga bansa sa mundo.
Resulta umano ito ng patuloy na pagkilala sa Pilipinas bilang isa sa may pinakamatatag na ekonomiya sa buong Asya.
Pahayag ng PCCI, ilan sa mga naging dahilan nito ay ang pagdami ng mga infrastructure projects, pagho-host ng Pilipinas ng Southeast Asian Games sa November 2019 at ang nalalapit rin na national elections sa susunod na taon.
Hinimok naman ng PCCI ang gobyerno na tugunan ang mga kinakaharap na hamon sa larangan ng pagnenegosyo upang mapanatili ang momentum ng economic growth ng Pilipinas.