Nangangamba ang grupo ng mga employers na posibleng tumagal pa hanggang 2022 bago tuluyang makabawi ang Pilipinas sa aspeto ng pagnenegosyo.
Ayon kay Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz – Luis, ito’y dahil sa marami pa ring usapin ang hindi pa rin natutugunan ng pamahalaan sa kasalukuyan.
Ipinunto ni Ortiz – Luis ang naghuhumiyaw pa ring problema sa transportasyon lalo’t maraming nagnanais magbalik na sa trabaho subalit walang masakyan.
Dagdag pa ng ECOP, bagama’t malaki ang naitutulong ng work from home arrangement ng ilang mga kumpaniya ay nananatiling problema rin ang napakabagal na internet connection sa bansa.