Binigyang linaw ng ilang eksperto na wala pa sa Pilipinas ang itinuturing na “variant of concern” ng coronavirus na unang nakita sa Brazil.
Ito’y matapos maiulat na mayroon umanong naitalang Brazil variant sa Quezon City.
Ayon Kay Dr. Eva Dela Paz, Executive Director ng University of the Philippines National Institutes of Health, mayroon pa lamang na dalawang variant sa bansa ngunit wala pa rito ang Brazil o yung tinatawag na P.1 variant.
Ipinabatid naman ng ilang eksperto na ang tatlong variant ay may N501Y mutation kung saaan ito’y nagdudulot ng mas mabilis na pagkalat ng virus.
Bukod dito, ikinababahala rin ang South African at Brazil variant dahil taglay din naman nito ang E484K mutation na sinasabing posibleng makapagpababa ng efficacy rate ng bakuna.— sa panulat ni Rashid Locsin