Saludo si Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa mga Pulis Muntinlupa na nanatiling mahinahon sa kabila ng pagmumura at pangiinsulto sa kanila ng isang aroganteng motorista.
Ito’y kasunod ng pagiging viral sa social media ng isang video ng motoristang naaresto dahil sa paglabag nito sa batas trapiko kung saan, sa halip na isuko ang sarili ay pinagmumura, pinagsisigawan at hinamon pa ang mga pulis.
Kalaunan, nakilala ang naaresto na si Franz Orbos na nabatid na lango sa alak nang mangyari ang insidente sa bahagi ng Tunasan, Muntinlupa City.
Kahit nakaposas na ay hindi pa rin natinag si Orbos sa paninigaw nito sa mga pulis na nanatili namang kalmado sa kabila nito.
Bagama’t pinapurihan ni Eleazar ang mga pulis dahil sa kanilang propesyunalismo sa pagpapatupad ng maximum tolerance, pinaalalahanan din niya ang mga ito na huwag magpapauna sa kalaban kung sa tingin nilang malalagay sa panganib ang kanilang buhay.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)