Kumbinsido si Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) Chief, Major General Guillermo Eleazar na hindi na talamak o ‘rampant’ ang recycling ng illegal drugs sa PNP.
Ayon kay Eleazar, mayroon nang safeguards at protocol ang PNP upang paliiitin ang oportunidad na marecycle ang mga nahuhuli nilang illegal drugs.
Sinabi ni Eleazar na sa ilalim ng sinusunod nilang protocol, tanging mga pulis na miyembro ng anti-illegal drugs unit ng PNP ang maaaring magraid o magbuy-bust operations.
Ang mga miyembro anya ng anti-illegal drugs unit ay dapat rekomendado ng station commander upang magkaroon ng command responsibility.
Gusto kong iklaro na totoo na mayroong mga ninja cops, lalo na noong before this administration, pero because of our efforts to get rid of them ay wala na po sila sa aktibo, pero posible at naniniwala tayo na maaaring meron diyang mga aktibo pang iba na hindi natin alam ang pangalan,” ani Eleazar.
Sinabi ni Eleazar na ang mga ‘ninja cops’ na di umano’y suki ng drug queen na si Guia Gomez Castro ng Maynila ay pawang wala na sa serbisyo. — sa panayam ng Ratsada Balita