Pinasisibak ni PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang limang pulis na umano’y sangkot sa pagdukot at pagpatay sa online seller sa Nueva Ecija.
Kinilala ang lima na sina Police Staff Sergeant (PSSG) Benidict Matias Reyes, PSSG June Malillin, Police Corporal Julius Alcantara, Police Master Sergeant Rowen Martin, at PSSG Drextemir Esmundo. Gayundin ang mga sibilyang sina Franklin Macapagal at Dario Robarios na iniuugnay sa pagdukot at pagpatay sa biktimang si Nadia Casar. Sila ay positibong tinukoy ng nakasaksi sa krimen.
Kasalukuyang nasa kostudiya na ng pulisya sina Reyes, Malillin, Alcantara, at Robarios habang nananatiling at-large sina Martin, Esmundo at Macapagal. Sila ay hinainan nang reklamo sa Department of Justice.
Ayon sa Anti-Kidnapping Group, dinukot sina Casar at ang nirentahang grab driver ng limang armadong lalaki, 1:45 ng hapon ng Hulyo 20 sa Barangay Tagpos, Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Ninakaw pa sa grab driver ang kaniyang cellphone at P4,500 cash at pinakawalan din ng mga kidnapper dakong alas-3 ng umaga ng Hulyo 21. Nakuha ang sunog na labi ng biktima dakong 2:30 ng hapon noong Linggo, Agosto 1 sa Sitio Pinagpala, Barangay Imelda Valley, Palayan City, kung saan ito inilibing ng mga suspek. —ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)