Mahigpit nang binabantayan ng Commission on Elections o COMELEC ang mga lugar na isasailalim sa election watchlist.
Paliwanag ng COMELEC, nahahati sa apat na kategorya ang mga lugar na isasailalim bilang election hotspot.
Unang kategorya ay kung ang isang lugar ay may kasalukuyang banta dahil sa alitan ng mga magkakalabang partido o nagkaroon ng pagsiklab ng karahasan dulot ng mga private armed groups.
Ikalawa ay kung ang lugar ay may seryosong banta mula sa rebeldeng New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf, Moro National Liberation Front o MNLF at iba pang grupo.
Sakaling nakararanas ng parehong banta mula sa una at ikalawang kategorya ang isang lugar, awtomatiko itong isasailalim sa category 3 o tatawaging areas of grave concern.
Pang-huli, kung ang isang lugar ay kinakailangan ng direktang kontrol o pangangasiwa ng COMELEC kung saan, binigyan ng mandato ang committee on ban of firearms and security personnel ng COMELEC para pangasiwaan ang lahat ng aktibidad at transaksyon sa isang lugar.
Kabilang na rito ang pagpapatupad ng mga batas na may kinalaman sa eleksyon at paggamit sa pondo ng bayan.
By Jaymark Dagala | Allan Francisco