Magsisimula na bukas , Abril 14 ang election period para sa gaganaping barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo.
Ayon kay Commission on Elections o COMELEC Spokesperson James Jimenez, kasabay ng election period ay ang pag-iral naman ng gun ban hanggang sa Mayo 21.
Ipinagbabawal sa ganitong panahon ang pagdadala ng baril sa labas ng tahanan o trabaho nang walang gun ban exemption mula sa COMELEC.
Tanging ang mga alagad lamang ng batas na nakasuot ng kumpletong uniporme ang siyang papayagang magdala ng baril.
Asahan na rin ang kaliwa’t kanang mga checkpoints upang masigurong nasusunod ang itinakda ng Comelec.
Simula rin bukas hanggang sa Abril 20 ay maaari nang maghain ng certificate of candidacy ang mga nagnanais na tumakbo sa darating na eleksyon.
Mula naman Mayo 4 hanggang 12 lalarga ang campaign period ngunit isang araw bago ang eleksyon sa Mayo 14 ay ipagbabawal na ang pangangampanya.
—-