Opisyal nang nagsimula ang election period bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 23.
Epektibo alas dose kaninang hatinggabi nang simulan ng Commission on Elections ang implementasyon ng gun ban at paglalagay ng mga checkpoint sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, kabilang sa ipinagbabawal ang paggamit ng mga kandidato ng mga security personnel o bodyguard maliban kung otorisado ng poll body at pagbabanta o panggugulo sa kahit sinong election official o employee habang ginagampanan ang tungkulin.
Ang mga election-related offense anya ay may katapat na parusa na isa hanggang anim na taong pagkakabilanggo, diskwalipikasyon sa anumang pampublikong tanggapan at tatanggalan ng karapatang bumoto.
Samantala, ipinaalala naman ni Jimenez sa mga interesadong kumandidato na magsisimula ang filing ng certificate of candidacy sa October 5 hanggang 11 habang aarangkada ang campaign period sa October 12 hanggang 21.
Comelec handa na para sa Barangay at SK elections
Handa na ang Commission on Elections para sa Barangay at Sangguniang Kabataan polls sa Oktubre 23.
Ito’y kahit pa naka-umang na sa Malacañang at posibleng lagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na magpapaliban sa nasabing halalan.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, hangga’t walang nilalagdaang batas ay magpapatuloy ang preparasyon ng poll body para sa Barangay at SK polls.
Kaninang alas dose ng hatinggabi, opisyal nang nagsimula ang election period na magtatapos naman hanggang Oktubre 30.