Ibinasura ng COMELEC o Commission on Elections ang election protest na isinampa ni dating Manila Mayor Alfredo Lim laban kay dating Pangulo at incumbent Mayor Joseph Erap Estrada.
Sa labing-apat (14) na pahinang resolusyon na inilabas ng COMELEC First Division, nakasaad dito na paso na ang petisyon ni Lim na naglalayong i-disqualify si Estrada sa pagka-alkalde.
Binalewala rin ng COMELEC ang hirit ni Lim na ipawalang-bisa ang proklamasyon kay Estrada dahil iligal umano ang ginawang manual uploading of results.
Nabigo si Lim na magprisinta ng ebidensya na magpapatunay na nagkaroon ng illegal proceedings sa panig ng CBOC o City Board of Canvassers sa pagbibilang ng mga boto.
Sa nakalipas na May 2016 elections, ang dating Pangulong Estrada ay nakakuha ng 283,149 votes, habang si Lim ay 280,464 votes.
By Meann Tanbio | Report from Aya Yupangco (Patrol 5)