Ibinasura na ng COMELEC o Commission on Elections ang inihaing election protest ni dating Pasig City mayor Bobby Eusebio laban sa kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Mayor Vico Sotto.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, kinatigan ng second division ng COMELEC si Sotto.
Hindi rin daw sapat ang mga ebidensyang inihain ng dating alkalde sa election protest at bigo itong patunayan na nagkaroon ng dayaan noong May 2019 elections.
Kinumpirma naman ng abogado ni Sotto na si Attorney Romulo Macalintal na nakuha na nila ang kopya ng desisyon ng COMELEC.
Matatandaang isinampa ni Eusebio ang protest matapos matalo ito ni Sotto at tapusin ang higit 30 taong pamumuno ng kanyang angkan sa naturang lungsod.